Linggo, Nobyembre 9, 2014

Ang Ikatlong Baytang



Ang Ikatlong Baytang
Ni Shanon Ahmad

          KUNG UMABOT NGA ang mga bagay-bagay sa inabot nga nito gaya ng sabi mo, Manang, mabuti. Wala nang dapat pag-usapang palitan pa.
          Mahihirapang ibaba siya sa hagdang kahoy. Pag nadulas ang tao sa itaas, madudulas din ang tao sa ibaba. Babagsak ang nanay.
          Kailangang maghanda ka ng duyan para upuan ng nanay. Hindi rin naman madali ‘yang buhatin siya. Lalo na nga ngayong nag-umpisa nang umulan. Marami sa mga pilapil sa taniman ng palay ang sira na. nagkakalayo-layo nang mga sais hanggang dose piye. Mapapagod lang ang nanay kung bubuhatin siya hanggang sa main road. At kailangan mo pang maghintay ng taksi.
          Hindi naman pwedeng maghintay lahat ng mga taga-baryo sa ospital. Kailangan din silang makauwi rin. Maiiwan siyang maghirap mag-isa.
          Ikaw na mismo ang kumausap sa nanay. Kung makapagsasalita lang siya, siya na mismo ang magsasabi sa iyo na hindi niya gustong umalis.
          Tama ka. Kung mabubuhay siya, doon na siya magpagaling sa bahay. Kung hindi naman, doon  na siya mamatay sa bahay.
          Lahat ay depende na sa Diyos.
          Bayaan mo nang sabihin ng tao ang gusto nila. Gagawin natin ang utos ng relihiyon. Kausapin mo ang mga kamag-anak natin. Pag sinabi nilang hindi na siya kailangang dalhin sa ospital, huwag na. pag sinabi nilang pakanin siya ng mga ugat na bigay ni Ingkong Kenali, pakanin mo. Kung ayaw niyang kumain, pakainin mo pa rin.
          Huwag kang mahihiya kay Ingkong Kenali. Kung maraming beses mong paiinumin ng gamut ang nanay at wala naming nangyayari, sabihin mo sa Ingkong. Deretsahan. Alam niya ang lahat. Tanungin mo siya kung ano ang mabuti mong gawin. Pag sinabe niyang tawagin mo si Udeng Batang Besar ang Manggagamot sa Dasal, tawagin mo. Pagsinabi niyang tawagin si Useng Kapak Api, tawagin mo. Pag sinabe niyang tawagin si Wahab ang nagtuturo ng Dasal, tawagin mo. Pag sinabi niyang tawagin ang Manggagamot Saad Cik Awang The sa Durian Burung, tawagin mo. Patulong ka kay Kaseng. Kay Kitol, Kay Cik Awang Dollah.
          Pag wala pa ring nangyari, umpisahan mo nang basahin ang kapitulong “Yasin” ng Koran. Ilagay mo ang tubig na may asin na nasa bao malapit sa ulo ng nanay. Madali nang patakan siya sa labi niyon pag gumamit ka ng kapirasong tingting ng palmerang areca. Maghanda ka ng maraming nganga. Pag tumawag ka ng baging manggagamot, maghanda ka ng bagong insenso. Kumuha ka ng bagong lagayan ng tubig. Lagyan mo ng apog ang nganga. At huwag mong kalilimutan ang bayad sa kanya.
          Siguraduhin mong parating may hustong pagkain sa kusina. Maraming bibisita. Siguruhin mong maraming kape. Patulong ka kay Leha na magsangag ng kape. Patulong kang gilingin iyon. Dapat ay parating puno ang bigasan. Kung hindi, patulong ka kay Kiah, ang asawa ni Cik Awang Dollah, sa pagtutuyo ng palay. Patulong kang bayuhin iyon. Maghanda ka rin  ng ilang latang biskwit na matigas. At ng tatlo o apat na maskadang tabakong java. Pabantayan mo kay Kiah ang kanin at ang ulam. Kumuha ng sampung ekstrang kati ng isang tamban. At sampung kati ng uryo. Ilagay mo sa patungan salansaran. Pabantayan mo kay Leha ang kape.
          Kung hindi husto ang pera, magbili ka ng ilang kabang bigas. Kung hindi pa kasya, ipagbili mo ang kalabaw na lawit ang sungay. Sa nanay naman iyon e. Ipinamumutol pa niya iyon ng damo, pinaiinom, at tinatabingan ang bahay niyon. Ingatan mong di masaktan ang damdamin ng ibang tao gaya ng pag-iingat mo sa pangangatawan ng Nanay.
          Dapat ay ganyan, Manang. Bago namatay ang tatay, humingi siya ng mga bagay na wala sa panahon. Hindi mo pa siguro nalilimutan. Kaya kung gusto ng Nanay ng pakwang Thai, patulong ka kay Usup na makakuha niyon. Lagi naman siyang pumupunta ng Haadyai. Makabibili siya niyon sa Padang Besar o Kodiang. Kung gusto ng nanay ng prutas ng palmerang kelubi, humingi ka kay Ya Chen. Madalas pumunta ng gubat si Ya Chen para manghuli ng kalapati. Kung gusto niya ng bendita, mag tanong ka kung sino’ng galing sa Mecca at humingi ka ng ilang patak ng uwi nila. Pero kung pilit niyang gustuhing mamatay sa banal na lugar, deretsahan mong sabihin sa kanya na di natin kaya iyon. Maiintindihan naman niya. Sa medaling sabi, huwag mong pasasamain ang kanyang loob, kung meron ka rin lang magagawa. Kung talaga na lang maikli ang buhay niya, siguraduhin mong mamamatay siyang maligaya. Ayaw naman nating magreklamo siya sa langit sa ibang araw.
          Alagaan mo sana siya, Manang.
          Alagaan mo siya gaya ng pag-aalaga natin sa baryo. Kung gusto niyang umuwi ako, pati ng asawa’t mga anak ko, sabihin mong deretsahan sa kanya na hindi naming kaya. Wala kaming pera. Masyadong mahal ang pasahe. Maiintindihan naman niya iyon.
          Kung wala ring mangyayari sa tubig na may asin sa bao at sa nganga, umpisahan mo nang basahin ang “Yasin”. Huwag kang maghintay nang matagal. Hilingin mo kay Hamid ang lider sa dasal na dasalin ito: “Sa ngalan ni Allah, ang Maawain, ang Mahabagin.” Pagkatapos mo sa kapitulo na iyon, ulitin mo.
          Patulong ka kay Jab ang matanda sa Moske. Pagnatapos na siyang magdasal, ulitin mo ang kapitulo. Huwag ipasa-pasa ang Koran para lang mabasa ng kung sino. Ipabasa mo sa kanila doon sa kuwarto ni Nanay. Basahin mo ang “Yasin” sa kanan ng ulo ng nanay.
          Huwag mo siyang iiwan, Manang. Umupo ka sa kaliwang tabi niya, malapit sa kanyang ulo. Lagi mong papatakan ng tubig ang kanyang labi. Huwang mong kalilimutan. Huwag ka nang mag-iikot sa kusina. Hayaan mo na si Leha. Si Kiah, ang asawa ni Cik Awang Dollah.
          Dapat parating sarado ang mga bintana sa kuwarto ng nanay. Basta laging sarado. Ganyan ang gusto niya. Paano natin malalaman ang gusto ng Diyos? Maraming bisita kahit hindi pinagsasabihan. Mas mahirap pag mas maraming tao. Pag maraming tao, mas marami ang iinis sa kanya.
         
          Pag may nagpilit  magbukas ng bintana, sabihin mong ayaw ni nanay. Walang kwenta kung anuman ang sabihin ng mga tao. Siya naman ang nanay natin.
          Tayo lang naman ang anak niya. Wala na ang tatay. Kaya tayo na lang tatlo ni Nanay. Matanda na siya at sakitin. Hayaan mo nang mamatay siyang payapa. Doon na tayo magkita-kita sa langit.
          Dasalin mong mapunta siya sa langit. Dasalin mo rin na sana ang Tatay na santaon nang namamatay ay pumasok din sa langit. Wala silang tigil sa kasasabing iisa lang ang Diyos. Si Allah. Wala silang nakakalimutang oras sa dasal. Regular din ang isang buwang pag-aayuno nila. Lagi silang naglilimos. Ang hindi lang nila nagawa’y bumisita sa Mecca. Pero hindi naman obligasyon iyon pag wala kang pera. Sa may pera lang iyon. Gusto ni itay na makasali sa giyerang banal. Nilabanan niya ang putris na hindi binyagan sa malapit sa Bukit Selembau sa Guar Cempedak. Ganoon din si inay. Hindi siya lumaban pero siya ang naghasa sa sable ni Itay. Basta si Allah ang huling hahatol. Kung tayo ang tatanungin, nagawa na ni Itay at Inay ang lahat na dapat gawin ng mga muslim. Puwera lang pumunta sa Mecca. Makapangyarihan ang Diyos. Basta magdasal na lang tayo.
          Huwag kang iiyak. Hindi dapat. Iyan lang ang isang bagay na ipipilit ko sa iyo. Alam kong mahirap. Santaon nang namamatay ang Tatay. Kung desisyon ng Diyos na sundan siya ni INay, hayaan mo na ito. Pero huwag kang iiyak. Walang naiiba sa kamatayan. Nag-umpisa tayong patay. Binigyan tayo ng buhay. Saka tayo mamamatay. Saka tayo mabubuhay nang walang hanggan. Ito ang parang mga baytang na dapat gamitin kapag umaakyat sa isang puno. Pag umiyak ka, parang pinipigilan mo si inay na makarating sa ibabaw.
          Nasa ikalawang baytang tayo ngayon. Si Inay, ikaw, ako, lahat ng mga kamag-anak natin na nabubuhay pa. May dalawa pang parte. Apat na lahat. Masuwerte si Itay. Nakarating na siya ikatlong baytang. Kung gusto ng diyos, papasok na rin si Inay sa parting iyon, iiwan tayong maghihirap sa ikalawa. Magiging maligaya silang dalawa.
          Hayaan mo na siyang payapang makapunta sa ikatlong baytang. Huwagkang iiyak. Huwag sana, ha?
          Ang iba-ibang problema – ang pagbili ng balabal, ang pagpunit doon, ang pag-aayos ng ataul, ang pagdarasal sa patay, ang pista sa pagbasa ng mga dasal Kulhu, ang paghukay ng paglilibingan, ang pagpapaligo sa bangkay, ang pagkatam sa table, ang pabulong na pagbigkas ng Pahayag ng Pananampalataya sa patay, ang insenso, ang pagpapasok ng ataul sa hukay, ang pagbasa ng Koran sa tabi ng hukay, ang tatlong araw at gabing handaan, ang mga handa makaraan ang pito, labing-apat at apatnapung araw, makaraan ang sandaan – iyan ay di dapat pag usapan nang naririnig ni Nanay. Maghihirap ang kanyang loob pag nalaman niya. Malulungkot siya, manghihina ang loob. Wala siyang dapat na marinig ni  isang salita.
          Pag-usapan n’yo iyon sa labas ng kuwarto. Tanungin mo si Ingkong Kenali, ang Matandang Jab at ang Lider sa Dasal na si Hamad tungkol sa kanilang masasabi doon sa beranda. Alam nila ang tungkol sa patay at sa paglilibing.
          Tantyahin mo kung gaano kataas si Inay bago ka bumili ng balabal. Magdagdag ka ng isang yarda sa magkabilang dulo. Kung maaari huwag kang bibili ng tela sa hindi binyagan. Kailangang napakalinis ni Inay pagpunta niya sa ikatlong baytang. Doon, dapat na wala siyang kamantsa-mantsa.
          Hayaan mong si Cik Awang Dollah ang Pumunit sa balabal. Alam nila kung paano pumunit at mag-ikit ng balabal. Ni isang hibla hindi dapat mawala. Ang punit ay hindi dapat makarating sa gilid. Huwag na huwag ninyong iparinig kay nanay sa kuwarto ang pagpupunit. Mag-iisip iyon. Doon na sa bahay ni Cik Awang Dollah gawin ang pagpunit.
          Nakalipat na ba sa bagong lupa si Manong Mud? Kung hindi pa, siya ang pagawain mo ng ataul. Kung wala na siya sa baryo, dapat tawagin mo na si Sanung. Mahusay na tagagawa si Manong Mud. Magaspang ang trabaho ni Sanung. Wala siyang ingat. Kinakatam ni Manong Mud nang makinis ang kahoy at pinapako niyang mabuti iyon, pinagtatama niyang mabuti.
          Tawagin mo lang si Sanung pag wala na si Manong Mud. Babantayan mo siya lagi. Pagawin mo nang tama, kailangang nasa tabi ka niya. Huwag mong hayaang magaspang ang kahoy. Siguruhin mong nakapakong mabuti. Baka nakalimutan mo na ang ginawa niya sa ataul ni Haji Lebar. May bungi ang kahoy sa iba-ibang parte, ang paanan ay hindi lapat kaya nagmukhang panghuli ng isda ang ataul. Kung pagagawin mo si Sanung, bantayan mo siya. Hindi dapat makapasok sa ataul ang tubig sa hukay. Sabihin mo sa kanya kung gaano kataas si Inay. Kung gaano kahaba, kaluwang at kalalim ng hukay.
          Kapag tinubig ang hukay, gaya ng sa tatay, dapat na lapat na lapat ang mga table para lumitaw na iisang piraso lang ang mga iyon. Hindi dapat makapasok ang tubig bago pa man magsabog ng lupa sa ibabaw.
          Sabihin mo sa kanya na dapat lapat ang mga tabla. Manang, maraming beses mong sabihin sa kanya.
          Magtanong-tanong ka pag hindi ka sigurado sa anuman. Magpapayo si Ingkong Kenali basta magtanong ka.
          Pagawa mo kay Hama dang Lider ng Dasal ang pagpapaligo sa bangkay, ang paglalagay ng insenso at ang pagdadasal sa patay. Magpaputol ka na sa iba ng puno ng saging na pagpapatungan ng bangkay habang pinaliliguan iyon. Dalawang puno lang tama na. pinakamagaling ang punong saging na malaki. May sagingan doon sa malapit sa bukid natin, hindi ba? Paputol mo ang dalawang hindi pa nagbubulaklak. Ang sakwa ng saging na malaki ay hindi masyadong malagkit. Pagtaliin mo ang dalawang puno ng damong rhea o murang kawayan. Isang tali sa isang dulo para sa paanan ni Nanay, at isa para sa ulunan. Mas medaling mailalagay ni Hama dang Lider sa dasal ang ulo ni Nanay sa kanyang kandungan.
          Iakyat mo ang banga ng tubig na nasa ibaba ng hagdan sa harapan, para makapaghugas ang mga tao nang sunod sa ugali natin. May naiiwan pa bang insensong sandalwood na ginamit natin sa tatay? Tiyakin mo nga kung naroon pa sa lagayan damit.
          Hayaan mo na ring si Hamad ang Lider ng Dasal ang magdasal sa patay. Lider naman siya sa konggregasyon. Alam niyang lahat ng pasikot-sikot ng tamang dasal. Kung sabihin niyang imbitahin mo ang Matatanda sa eskuwelang relihiyoso sa Kampung Raja Betang, imbitahin mo. Ibigay mo ang pera sa iba para ayusin nila ang paglilimos. Ipagawa mo kay Ya Chen, kung abala ka sa ibang bagay. O kay Usup.
          Ihanda mo na agad ang barya. Tama na ang sampung dolyar na  mga baryang sasampung sentimo. Ipamigay mo lang lahat. Bigyan mo na rin ng tig-sasampung sentimo ang mga batang lalaki doon sa tabi ng eskuwelahang Koran.
          Matapos dasalin ang Pahayag ng Pananampalataya kay Allah at sa kanyang Propeta sa tainga ni Nanay, ihanda mo ang dalawang dolyar paa kay Hama dang Lider ng Dasal. Huwag mong ipakikita sa iba na nagbigay ka. Sabihin mong panigarilyo lang iyon, aayaw pa siya sa una at isasauli sa iyo. Ilagay mo sa bulsa niya sa jacket at saka lumayo ka na. Ngingiti iyon o hindi depende sa gusto niya.
          Bago mo umpisahan ang lahat ng ito, tingnan mo muna ang lagay ni Inay. Ipabasa mo araw-gabi ang “Yasin” kung hindi na puwede ang gamut, pag talagang mukha na siyang pagod na pagod, hindi na makapagsalita, iba  nang mag-isa, at mukhang wala nang pag-asang talaga, saka ka lumabas sa beranda at umpisahan mo nang aregluhin ang lahat.
          Alam mong may ilan diyang magsasabing di ka dapat mag-umpisa  ng pag-aareglo bago pa mapikit ang mata ni Nanay. Bale walang daldal lang ‘yan. Ha’mong magdadaldal sila hanggang gusto nila. Hindi naman natin mapipigilan si Nanay na sundan si tatay sa susunod na baytang. Ayaw nating makaalis si Nanay. Pero ginagawa lang natin ang obligasyon.
          Kung sumunod na nga si Nanay kay Tatay, pasalamat tayo sa Diyos at pinapasok pa silang sabay sa ikatlong parte. Iiwan nila tayo sa ikalawa. Pag hindi naman umalis si Nanay, pasalamat tayo sa Diyos at hinayaan pa niyang mabuhay si nanay at mabuhay sa tulo ng kanyang pawis na kasama mo sa baryo.
Pasalamat ka sa diyos, anuman ang gusto niya. Kung tawagin niya si nanay, hayaan mo ito at pasalamat ka sa diyos. Kung ayaw naman ng Diyos na umalis pa si Nanay, tanggapin natin ito at pasalamat sa Diyos.
Hindi lamang matutulungan mo ang nabubuhay pa pag nag-umpisa ka na ng mga areglo bago mamatay si Nanay, makatutulong ka rin sa kanya.
Hindi dapat pang pagtalunan ang pagkamatay ni Nanay. Wala nang dapat pang aksayahing oras. Kung tinawag na siyang umalis, dapat umalis siya agad. Hindi siya dapat mag-alanganin pa. kung nagawa nang lahat ang areglo, agad din siyang makaaalis. Pag tanghali siya umalis, makakaharap niya sina Gog at Magog sa hapon. Matapos siyang tanungin at masagot naman niya, puwede siyang bumiyahe uli.
Pag umalis siya sa hapon, ang tanungan ay tapos na pagdilim.
Huwag ka nang maghintay pa ng ibang bibisita sa patay. Sino pa ba sa buong baryo kundi tayo lang naman? Wala naman tayong kilalang maraming tao. Halos wala. Hindi naman tayo humingi ng tulong sa iba. Wala namang ibang taong humingi ng tulong sa atin. Ano pa ba ang  maibibigay natin kundi dasal? Wala naman tayong naibibigay na iba pa, wala tayong hinihinging iba.
Hindi naman natin inintindi na walan-wala tayo. Hindi naman natin iintindihin kung mamatay tayong walang-wala. Mahirap lang tayo. Kaya pasalamat tayo sa paghihirap natin.
Manang, gawin mo ang lahat para makaalis nang madali si Nanay.
Hindi naman kailangang magpahukay ng libingan hanggang di ginugusto ni Nanay na sumunod na kay tatay. Pero dapat markahan mo na ang lugar agad. Kailangang malapit sa tatay, sa ilalim ng punong saga na malapit sa silungan ni kitol. Tandaan mo ng mga pira-pirasong kahoy.
Pag huling oras na niya, patulong ka kay Kaseng at sa tatlo o apat pang iba. Mas medaling humukay ng libingan kaysa magpaligo sa bangkay o gumawa ng ataul. Makapaghuhukay habang dinadasalan ang patay. Sinumang nakatira sa baryo ay mabubuhay sa pag-aasarol ng lupa. Nakabungkal na tayo ng bukid na walu-walong ektarya, ito e hukay lang na sais piye ang lalim.
Huwag mong intindihin ang hukay. Iba na ang pag-usapan natin. Pag tinawag mo si Kaseng, tatawagin mo siya uli. Hindi gagawa ng nitso sa ilalim ng hukay para sa bangkay. Kailangang ataul ang gamitin. Pag nakahukay na ng apat na piye sa ilalim ng punong saga, aabot na ang naghuhukay sa tubig. Isipin mo na lang kung ano mayroon sailalim na sais piye. Kailangang mapakong mabuti ang ataul para hindi pasukin ng tubig.
Matapos mapaliguan at mabalutan ang bangkay, itanong mo kay Hama dang Lider sa Dasal kung kalian iyon dapat ibaba sa hagdan. Tumulong ka sa unang pagbuhat sa nanay. Mag-ingat sa pagbaba ng bahay. Ayaw nating mahulog ang ataul, gaya ng muntik nang mangyari sa tatay. Maglagay ka kaya ng bagong baytang kung pwede, yari sa kahoy na rambai. Dapat  may kakapitan sa mgakabila. Huwag kang gagamit ng kawayan. Madulas at maraming buko iyon. Baka masalubsob pa ang kamay ng tao. Gumamit ka ng yantok Malacca.
Sa madaling sabi, ingatan ang paglalabas sa Nanay. Takpan ninyo ang ataul ng telang batik na itinakip naten sa tatay.
Huwag ninyong itatawid sa bukid ang ataul gaya ng ginawa sa tatay. Nag-uulan na. marami sa pilapil ang nadudurog. Marami sa pilapil ay makitid para tapakan ng mga tao.
Doon kayo dumaan sa paanan ng bundok. Malayo iyon, pero hindi peligroso.
Kailangang luwagan ninyo ang pasukan sa malapit sa lupa ni Cik Awang Dollah. Kung hindi, baka hindi magkasya ang ataul. Masyadong makitid ang daanan. Kung mahirap luwagan iyon, gibain ang bakod at magtayo na lang ng bago sa ibang araw.
Ang matarik na parte ng Becah Badung ay hindi magiging peligroso kung uukaan ng mga sandosenang baytang. Pag nadulas doon sa lumot o damo kaya, lahat ay babagsak.


Dumadaan ang mga baboy-damo doon sa papaikot sa malapit sa paanan ng bundok. Patingnan mo sa ilang bata kung may malalaking langgam doon. Nag-aabang ng malalambot na binti ang langgam. Minsan naman may alupihan at alakdan na nag-aabang ng makakain. Madalas nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng mga puno ang putakti.
Linisin muna ninyo ang daraanan bago maglibing.
Ang umakyat sa mga baytang ng moske ay isang naiibang parte rin. Maraming ng haligi ang inanay kaya nabulok na. Buhatin ninyo ang ataul at diretso sa beranda kung puwede. Isang grupo ang mag-aalsa buhat sa itaas, may tutulak naman buhat sa ibaba. Dahan-dahan, Manang, dahan-dahan.
Kapag tapos nang dasalan ang bangkay, dalhin na iyon sa hukay, at matapos madasalan siya sa tainga, puwede mo nang alalahanin ang iba-ibang handaan.
Paumpisahan mo na ang pagbasa sa Koran sa gabi ring iyon. Ituloy mo nang tatlong araw at tatlong gabi gaya ng ginawa natin para sa tatay.
Ipagbili mo ang bigas sa kamalig kung kailangan mo pa ng dagdag na pera. Isangla mo ang tres-kwartong ektarya ng mga punong langsat sa malapit sa latian. Patayin mo ang lahat ng inahin. Patayin mo rin ang dalawang gansa ni nanay.
Kailangang may pera kang madadampot agad sa lahat ng oras. Kailangan mong magbayad sa pitong gabing pagbabasa ng Koran sa libingan. Pagkaraan ng tatlong gabi, maghanda ka para magpahinga na ang kaluluwa ni Inay. Pagkaraan nga pitong araw, handa ulit. Pagkaraan ng labing-apat na araw, isa pa. At pagkaraan ng sandaang araw. Isa pa uli.
Kung kailangan nating isanla ang lahat at mabaon sa utang, hindi bale. Ipagbili mo ang kahit ano basta makapaghanda ka. Ang magyayari sa ating pagkabuhay ay nasa kagustuhan ng Diyos.
Bayaan mong sabihin ng iba na inuubos lang natin an gating pera, huwang mo silang intindihin. Basta maligaya tayo. Pagtahimik ang Nanay, gagaan an gating kalooban.
Ano ba ang nalalaman nila, Manang?
Pakaingatan mo si Nanay. Mahirap lang tayo. Pero kuntento. Kailangang pasalamat tayo sa diyos dahil sa hene-henerasyon nating paghihirap.
Sa ganyang paraan tayo pinagpapala ng Diyos.

Miyerkules, Setyembre 24, 2014

ang lalaking nakaikot sa palosebo

Ang Lalaking Nakaikot sa PaloseboSa Panulat ni: Lina Espina Moore             NASA mesa niya ang kanyang nameplate. Dr. MANUEL Q. BAHAY ang nakaukit na madiin sa kamagong na may backdrop pang scenery sa probinsya, kumpleto sa bahay-kubo, puno ng niyog, at isang lalaking may ararong hila ng kalabaw.
            Gustong- gusto niya ang regalong iyon—bigay sa kanya matapos ang mabulaklak na speeches nang makumpleto niya ang twenty-five years na trabaho niya sa gobyerno. Nakaraan na ang limang taon buhat noon, at ngayon ngang araw na ito sa Enero, sa taon ng kanyang retirement, hindi pa niya nasisira ang kanyang rekord: wala ni isang araw na absent, ni isang araw na late sa trabaho. Sa buong panahong ito, walang masyadong nakaaalam kung bakit siya tinatawag na “doktor”; pero hindi nga siya doctor of medicine. Alam iyan ng kahit ‘yung pinakakaunti ang imagination ng mga nasa ilalim niya. At wala ring nakaaalam o nag-bother na makaalam ng middle initial niya na “Q”.
            Sumasagot siya sa tawag na Doc Bahay. sa Sir, sa Maning, sa Manny, ang huli’y tawag sa kanya ng mga adviser na Kano, gaya rin ng marami sa mga karanggo niya—mga opisyal din na kasama niya sa trabaho. Kasunod siya sa ranggo ni Mr. Evaristo Godinez, isang political appointee—isang pandak at matabang lalaki—masiglang kumilos, gustong-gustong mag-joke at talagang matinik sa graft. Ang opisina, pera sa nakalistang ibang talaga niyong gawain na malapit nang mamatay ngayon, ay isang financing institution para tulungan ang mga farmer.
            Nang mag-umpisang magturo si Doc Bahay sa isang agricultural school, hindi niya pinangarap na umabot sa pwestong Deputy Administrator pagdating niya sa retirement age. Pero ang medyo maliit, maitim na taong may mabbang boses, at may accent ng probinsyano, na trabaho nang trabaho na walang tanung-tanong, ay hindi talagang mapagkakamalan o kaiinggitan. Sa mga aregluhan sa pulitika sa opisina, wala nang umiintindi kung saan man dapat mapuwesto ang sinuman. Pag sinuwerte ka, maaaring makapasa ka’t makakuha ng susunod na civil service grade nang hindi man mapansin sa kaguluhan ng bureaucracy.
            Nang magtagal lamang saka napag-alaman ng ilan na nakakuha siya ng doctorate in science (agricultural engineering). May oras nga matapos ang kanyang teaching, nag-aattend siya ng klase sa University of the Philippines para sa degree na iyon.
            Pinakasalan niya ang babing may-ari at nagmamanage ng boarding house na tinitirhan niya noong nasa college pa siya. Biyuda iyon noon, walang anak. Sinasabing namatay sa diarrhea ang unang asawa pagkakasal nila.   Napansin ng ibang boarders na mas maraming rasyong pagkain si Maning. Basta magagandang hiwa ng karne at isda kay Maning inirarasyon. Kahit na hindi siya humihingi, bibigyan siya ng dagdag na kanin pa. Sabi ng kanyang mga ka-boarder na ang nag-umpisa ng ng affair ay si Marta—isang babaeng mataba na laging handang tumawa, marunong maglutoat basta nalang maririnig na magmumura ng malakas sa Tagalog. Ang totoo, walang mag-iisip na si Maning ang mag-uumpisa ng ganoong klaseng laro.
            Pagkat isang honorable man, pinakasalan niya si Marta nang mabuntis ito bago pa man siya magtapos. Pagkaraan ng apat na anak, natutuhan na niya ang gumamit ng condom. Natural, napag-alaman iyon ng parish priest  na nagsabi ng kanyang palagay tungkol dito. Wala nang nakasisiguro kung ano na ang nangyari pagkatapos noon, pagkat napako na sa apat ang anak niya. Ni hindi siya absent ni huli sa misa. Minsan isang buwan, makikitang nakapila siya sa communion rail, kaya masasabing hindi naman siya gagawa ng kontra sa utos ng simbahan. Ang lalaking gaya gaya ni Maning, na may respeto sa awtoridad, ay maaaring asahan na basta  patatawarin siya ng Diyos at kalilimutan na rin iyon isang beses isang buwan para sa isang pagkakasalang ginagawa nito sa loob ng matagal na panahon.
            Hindi nga katakatakang may dumating na appointment paper buhat sa Secretary of Agriculture and Commerce, na naglalagay kay Doc Bahay na Assistant to the Administrator. Masipag siya at kung hindi man pambihira ang kanyang mga desisyon, hindi rin naman masasabing hindi iyon pinagbubuhusan ng isip. Ang nakakagulat ay noong si Evaristo Godinez ang Administrator, may pinalabas na appointment paper na nagpupuwesto kay Doc Bahay bilang Deputy Administrator. Si Godinez mismo ang nagtrabaho para sa promotion na iyon. Gulat ding gaya ng iba si Doc Bahay mismo, pero mas pa sa kontento siya. Hindi nga nagtagal nalaman ng lahat sa opisina kung bakit. Ang technical aspect ng agriculture saka ang mga pasikut-sikot sa pamamahala ang siyang dahilan kung bakit si Doc Bahay ang talagang dapat magpatakbo ng opisina samantalang si Godinez ang tagagawa ng pera.
            Matatag na citizens ang mga anak ni Bahay. Dalawang lalaki at dalawang babae. Para bang kahit sa pagpapamilya, nakadestino si Doc na magkaroon ng balanse. Matagal nang iniwan ni Marta ang boarding house. Pero sunod sa ugaling hindi naman pambihira sa babaing Pilipina, kumikita rin siya para makatulong sa pamilya. Ngayon ang ginagawa niya ay bumili ng manok nang maramihan at ipinaparte niya ito sa mga nagtitinda sa palengke. Minsan naman, daing na isda.
            Hindi maloloko ng tao si Aling Marta, at talagang ipinaaalam niya sa lahat kung galit siya. Magsasalita siya sa grade one English na alam niya nang hindi man lang kakabahan. Pero ang Tagalog niya’y Tagalog probinsya, maindayog, waang halo. Inaasikaso niya ang mga talagang unang kailangan ng asawa at mga anak. Laging malinis ang bahay, masarap ang pagkain at maayos na pananamit para sa lahat sa kanila. Talagang malapit nang pumasok sa ginintuang panahon ang mag-asawang Bahay nang walang gulu-gulo. At ngayon, malapit nang magretire  si Doc.
            Ugali na niyang magpaiwan pa sa opisina pagkatapos ng uwian. Nagpapahatid pa siya ng pagkain sa tanghali, kumakain ng mag-isa at tahimik—malayo sa ingay ng office canteen. Bukod pa sa hindi siya napapalagay kung dinadaldal lang siya ng mga ka-opisina. Nasabi sa kanya sa isang seminar na sinalihan niya na sa isang maliit na parte, ang ganoong sosyalan ay nakatutulong ding magpaganda ang pagsasamahan sa opisina. Pero talaga lang na natural siyang mahiyain. Gustuhin man niya, hindi yata niya kayang gawin ang makipag-batian man lang. Gaya ng:
            “Kumusta si Mrs. Bahay, Doc?”
            “Mabuti naman, salamat.”
            “At ang mga bata?”
            “Mabuti rin, sa awa ng Diyos.”
            “Ilang taon na ang panganay mo, Doc?”
            “Twenty-eight.”
            “Married na?”
            “Kelan lang.”
            “Aha! Magiging lolo ka na rin, ha?”
O kaya:
            “kumusta ang biyahe mo sa Nueva Ecija, Doc?”
            “Maulan noong naroon ako.”
            “Masama sa sibuyas, ano?”
            “Hindi naman masyado ang ulan para mabulok ‘yun”
O kaya:
            “Kumusta ng biyahe sa Ilokos, Doc?”
            “O.K.”
            “Kumusta ang bawang?”
            “Maganda ang aanihin”
            “Siguradong guguluhin nanaman tayo ng mga middle-men na intsik.”
O kaya:
            “Ayaw mo ng konting adobo, Doc?”
            “Hindi pwede sa’kin ang baboy.”
            “Bakit, may rayuma ka ba?”

At ang iba pang ganyang usapan. Pero hindi bale sakanya ang mga kano. Paminsan-minsan papasok sila sa kanyang opisina.
“Ginagabi ka ha, Manny?”
“Gusto kong malinis ang desk ko bago mag-Saturday.”
“Aw, c’mon. Masyado kang masipag. Tena sa apartment bago ka umuwi. Mag-inuman tayo.”

Paminsan-minsan, sumasama siya., pero hindi para sa drinks. Siguro, samboteng beer. O fruit juice. Sasama siya kay Stan Miller nang mas maraming beses kaysa sa iba. Bibigyan pa siya ni Stan ng assorted nuts o potato chips.
“Ito, Manny, buksan mo’to at kukuha ‘ko ng yelo.”
Gusto niya yung walang pormalan. Gusto niyang makarinig ng mga kuwento tungkol sa mga bagay-bagay sa ibang parte ng mundo. Ang Sistine Chapel—ang kalakhan niyon; ang kasalbahihan sa mga daan at plasa sa Rome; ang Prado,ang nagbabagong habits sa pagtulog ng mga madrileƱos; ang kalagiman ng Tower of London; kung ano ang makikita sa isang bahay ng Intsik sa West Malaysia; ang K.L ay Kuala Lumpur—ano ba ang nangyayari sa mga daan doon kung tanghali at sa dalawang ilog, ang Klang at ang Gombak; ang piyer sa Penang; ang Broadway, New York; ang chorus line sa Radio City; ang cable cars, ang maliliit na teatro sa Geary, San Francisco. Ang lindol na nakamatay ng marami sa Alaska; ang pyramid sa Egypt. At saka yung interes nilang pareho: ang cooperatives sa Israel at Brazil. Ang project sa asin sa Ceylon, ang industriya sa balat sa Argentina. Siguro nga mababasa mo ang lahat ng iyan sa mga libro, magasin at professional journals, pero iba ‘yung makikinig ka sa taong galing doon. Nagsawa na sila sa pagiging iba, bago, at kagulat-gulat niyon. Kawalan ng katiyakan, hamon, adventure.
At sa mga kuwentong kung paano kailangang bumangon ka nang maagang-maaga kung winter para magpatuka ng manok nang wala kang suot kundi canvas shoes at sirang woolen socks. Gustong-gusto niyang marinig ‘yung nilayasan mo ang isang trabaho kahit wala kang alam na mapapasukan dahil sa “tangnang boss na yun...”
Sa ganyang mga okasyon, para bang lalo nang hustong-husto para sa kanya ang naabot niya. Para bang ang mga kuwento'y itinama para sa kanya, parang siya na rin ang naka-achieve, kahit na nga sa panaginip, ng mga bagay na gustong-gusto nyang magawa. Ang mga taong matibay ang loob, ang mga taong di-maaring hindi makasurvive, ang mga taong matapang na masasabi sa boss kung saan ito dapat huminto. At saka maglabas-masok sa kawalan ng katiyakan ng mga magugulong daan sa city o sa mga Border ng prairie towns.
May isang bagay na dapat niyang ipakipagpakita kay Resty Godinez na aanim na buwan lang sa trabaho’y nakapagpatayo na ng addition sa kanyang bahay. Ngayon, may nababalitang bibili yata ng bahay sa sikat na subdivision.
Pero kinabukasan naroon naman siya sa kanyang desk, papasadahan ang mga papeles, tinitingnang mabuti ang spaces na may sulat at walang sulat, magtatanong ng mga tanong na ‘yun at ‘yun din at sasagutin ito ng ‘yun at ‘yun din, maghahanda ng sulat, memorandum. Si Godinez naman ay pipirma, patatawarin ang pag-postpone ng pagbabayad ng utang, tatanggap ng regalo—cash o materyal o pareho kadalasan. Minsan, tatawag din si Godinez sa intercom para itanong kung ang papeles na dapat pirmahan bago siya bumiyahe abroad.
“Babalik ka ba para sa inagurasyon ng bonded warehouse sa Tarlac?”
“Hindi, ikaw na’ng bahala doon, Manny. May ipasusulat akong Speech at ikaw nang bumasa.”

Isang araw, pumasok si Godinez sa opisina ni Doc Bahay. Mga quarter after six na, lampas-lampas na sa uwian at nagtatrabaho pa si Doc.
“Hey Manny, baka gusto mo ng private secretary? Sa’yo lang. Hindi ka na kailangan magpadala ng papers sa typing pool. Dagdag sa Present staff mo. Good steno-typist. Pakukuha ko kug wala pa nga tayo.”
Tumingala si Doc. Binibigyan siya ni Godinezng isang Girl Friday, gaya ng itatawag doon ng kanyang mga kaibigang kano. Matagal nang gusto niyang magkaroon niyon. Sa mga pagpasok-paglabas niya sa opisina, maitatanong nga niya sa sarili kung paano mapagagaan ng isang mabuting secretary ang trabaho ng boss.
“Okey basta sabi mo, Resty.”
“Sige tatawagan ko si Max Reyes ng Personnel bukas. Sasabihin ko sa kanya. May female applicant eh. Mataas sa mga tests. Maganda. Ang totoo, nakapanggigigil, alam mo na.” Kinindatan niyon si Doc na ngumiti lang nang parang walang gana. Sanay na ang lahat sa mga bastos na sinasabi tungkol sa magagandang sekretarya. Kahit si Doc Bahay alam ito. Madali niyang kinalimutan ang offer ni Godinez. Pero napagsabihan na pala ni Godinez ang Personnel. Kaya Kinaumagahan, may kumatok sa pinto ni Doc Bahay.
“yes?” sumilip si Doc sa ibabaw ng kanyang doble- vista.
“Pinadala ko sir dito ng personnel.”
“Personnel? Bakit daw?”
“Assigned ako sa iyo, Sir.”
“Ah… yes, yes natatandaan ko na. Dala mo ba ang appointment papers mo?”
“ Sabi ng personnel ipapadala iyon basta mapirmahan ni Mr. Godinez. Wala pa siya sir eh.”
Tinignan ni Doc Bahayang kanyang wrist watch. Quarter to ten na.
“ Aba, oo, siyempre. Ngayon, e saan ka kaya uupo?”
“May small table dyan sa labas ng pinto, sir.” Madali naman siyang nag-suggest.
“ Hindi, kay Mr. PestaƱo iyon. Clerk ko. Pero on leave ngayon. Sige, doon ka muna habang wala siya. Bayaan nating Property ang mag-asikaso ng problema. Tama, tawagan natin ang Property.”
“Nagawa ko na Sir doon kay Mr. Reyes sa personnel.”
“Initiative.” Markado na iyon ni Doc sa loob-loob niya na isang administrador.
Pero hindi naman maganda si Nieves Franco, ni lalong hindi nakapanggigigil gaya ng sabi ni Resty Godinez. Nasa mid-thirties, mataas kaysa average Filipina. Mestiso ang ninuno siguro. Payat siya. Butuhan, hindi husto sa laman para makortehan man lang ang kahit mumunting umbok ng babae sa Asya. Pagsuotin mo lang ng slacks, jacket, tilted barrette at pwede nang sabihing lalaki siya—clerk sa palasyo ng obispo sa kung saan sa Spain. Pero wala naman siyang sinasabing puting ancestors, at kung oobserbahang mabuti hindi naman siya probinsyana, ni hindi